Linggo, Disyembre 15, 2013

Tungkol sa Baguio
Ang Baguio ay isang 1st-class highly urbanized na lungsod sa hilagang Luzon sa Pilipinas at ang punong-lungsod ng Cordillera Administrative Region. Napapalibutan ito ng probinsya ng Benguet. Itinatag ang Baguio ng mga Amerikano noong 1900 bilang isang bakasyonan sa panahon ng tag-araw sa isang nayon ng mga Ibaloi na dating tinatawag na Kafagway. Ginawang “Summer Capital” ang lungsod noong ika-1 ng Hunyo, 1903 ng “Philippine Commission” at idineklarang lungsod ng “Philippine Assembly” noong ika-1 ng Setyembre, 1909. Ang pangalangBaguio ay hango sa salitang Ibaloi na bagiw na ang ibig sabihin ay ‘lumot’. Tinatayang nasa mahigit-kumulang sa 1500 metro(5100 talampakan) ang taas ng lungsod na naaayon para sa paglaki at pagdami ng mga punong pino at mga halamang namumulaklak.
Ang Lungsod ng Baguio ay matatagpuan sa bulubundukin ng Cordillera Central sa hilagang Luzon. Ito’y napapaligiran ng probinsya ng Benguet. Ang kabuuang sukat ng lungsod ay 57.5 kilometro kwadrado. Ang ayos ng lungsod ay naaayon sa naunang plano ng tanyag na arkitektong si Daniel Burnham. Ang bahay-pamahalaan ng lungsod ay itinayo sa mismong gitna ng lungsod.
Ang Lungsod ng Baguio ay kilala dahil sa kanyang katamtamang klima. Dahil sa kanyang taas, ang temperatura ng lungsod ay mas mababa ng 8 sentigrado kumpara sa temperatura sa mga mabababang lugar. Maburol ang kabuuan ng lungsod at ang kanyang mga lansangan ay ginawa ayon sa ayos ng lupa.
Ang lugar na kung saan nakatayo ang lungsod ay unang tinirhan ng mga katutubong Ibaloi at Kankana-ey. Una itong naging pastulan ng mga baka at mga iba pang alagang hayop. Noong panahon ng pamamhala ng mga Kastila hindi gaano binigyang pansin ang lugar.
Dahil sa klima ng lugar, nahikayat ang mga Amerikano na ayusin ang lugar bilang isang bakasyonan. Noong taong 1901, inumpisahang gawin ang “Kennon Road”. Sa pamumuno ng mga Amerikano at sa tulong ng mga manggagawang Pilipino at mga Hapon, inukit ang daanang ito sa pagitan ng mga bundok at sinusundan ang ilog ng Bued mula sa bayan ng Rosario sa lalawigan ng La Union hangang sa Kafagway. Naging madali ang paglalakbay patungo sa lugar na ito, at pagkatapos ng ilang taon ay lumaki ang populasyon. Idineklarang “Summer Capital” ng “Philippine Commission” ang lungsod noong ika-1 ng Hunyo taong 1903. Noong 1904, inatasan ang sikat na arkitekto na si Daniel Burnham na gawan ng plano ang pagpapaunlad ng lungsod. Noong ika-1 ng Setyembre taong 1909 ay idineklarang lungsod and Baguio ng “Philippine Assembly”.
Isa ang Lungsod ng Baguio sa mga unang binomba ng pwersa ng Imperyo ng Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Madaling nasakop ng mga Hapon a lugar. Sa pagbalik ng mga Amerikano sa mga huling buwan ng digmaan, sa lungsod umatras ang karamihan ng mga sundalong Hapon sa Luzon kasama na si Hen. Tomoyuki Yamashita. Noong ika-3 ng Setyembre ay pormal na isinuko ni Hen. Yamashita sa mga hukbong Amerikano at Pilipino ang mga natitirang puwersa ng Imperyo ng Hapon sa Pilipinas. Ito ay ginanap sa “Camp John Hay” na matatagpuan sa silangang bahagi ng lungsod.
Patuloy ang pagunlad ng lungsod pagkatapos ng digmaan hangang noong ika-16 Hulyo taong 1990, naranasan ng mga residenta ng lungsod ang isa sa pinakamalakas na lindol na tumamasa bansa. Maraming mga nasirang gusali at maraming mga tao ang nasawi. Karamihan sa mga gusaling nasira ay mga hotel.
Sa ika-1 ng Setyembre ng taong 2009 ay gaganapin ang pagdiriwang ng ika-100 taon anibersaryo ng lungsod.
Ayon sa sensus ng 2007, may kabuuan itong populasyon na 301,926.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento